Para kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, magbibigay ng bagong yugto sa kalidad ng edukasyon sa mga pamantasan sa bansa ang apat na bagong batas na magpapalakas sa charter, at magpapalawak sa inaalok na kurso ng apat na unibersidad sa Pilipinas.
Nagpasalamat si Villanueva sa pagkakapirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Republic Act (RA) 11980 o Revised Bulacan State University (BulSU) Charter; RA 11978 o Don Mariano Marcos Memorial State University-South La Union Campus-College of Medicine; RA 11977 o pagtatatag ng Pampanga State Agricultural University (PSAU) – Floridablanca Campus; at RA 11979 na nagtataguyod sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Parañaque City bilang isang regular campus.
Umaasa ang Senate majority leader, na sa pamamagitan ng mga bagong batas na ito ay mapapaganda ang educational opportunities para sa mga estudyante.
Sa pamamagitan aniya ng mga ito ay mapapataas ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas, at mas mailalapit sa global standards.
Ayon sa batas, papalawigin ng BulSU ang kanilang curricular offerings, bubuo ng mga programa para palakasin ang kanilang kakayahan, at iangat ang kahusayan ng kanilang constituent units.
Bilang principal sponsor at author ng Doktor para sa Bayan act, pinuri rin ni Villanueva ang paglagda ng RA 11978 na magtatatag ng dagdag na school of medicine sa Ilocos region.
Ang RA 11977 na nagtatatag ng Pampanga State Agricultural University-Floridablanca Campus ay mag-aalok ng short-term, technical-vocational, undergraduate, at graduate courses sa bahagi ng competency at specialization na tutugon sa human resource development needs sa Pampanga at Central Luzon.
Mandato naman ng RA 11979 ang PUP-Parañaque, na mag-alok ng short-term, technical-vocational, undergraduate, at graduate courses. | ulat ni Nimfa Asuncion