Ibinahagi ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang balak ng Senado na baguhin ang sarili nitong panuntunan para makaupo sila bilang “senate assembly” na magrerekomenda ng pagbabago sa 1987 Constitution.
Ayon kay Zubiri, pinag-uusapan na nila ito nina Senate Sub-committee on Constitutional Amendments Chairperson Senador Sonny Angara at Minority Leader Koko Pimentel.
Batay sa plano, babaguhin ng Senado ang panuntunan nito para sa pag-upo nila bilang senate assembly oras na malagdaan na ang committee report tungkol sa panukalang economic cha-cha (Resolution of Both Houses No. 6) at kapag handa na nila itong talakayin at pagdebatehan sa plenaryo.
Sinabi ng senate leader na ito ang unang pagkakataon na gagawin ito ng Senado.
Paliwanag ni Zubiri kapag nakapasa na sa committee level ang panukalang economic cha-cha, ipi-presenta na ito sa plenaryo ng Senado na hiwalay sa kanilang 3pm regular session.
Ang magiging set-up aniya, sa umaga ay uupo sila bilang senate assembly para pagdebatehan ang panukalang amendments sa ilang economic provision ng konstitusyon at pagkatapos ay pagbobotohan nila ito kung saan kailangan ang three fourths vote o boto ng 18 senador.
Binigyan diin ng senate president na kailangan na magkasundo ang Senado at Kamara sa bicam sakaling may pagkakaiba sa kanilang ipapasang panukalang economic cha-cha. | ulat ni Nimfa Asuncion