Sisikapin ng Senado na maipasa ang panukalang economic charter change (chacha) bago mag Oktubre.
Ito ang tugon ni Senador Sonny Angara nang matanong ano ang timeline ng pinamumunuan niyang Senate Subcommittee on Finance sa pagtalakay ng Resolution of Both House no. 6.
Ayon kay Angara, pinaka-late nang posibleng maipasa ang economic chacha sa Oktubre kung kailan isinasapinal ng Comelec ang mga balota para sa 2025 elections.
Kailangan aniya ito kung target na isabay ang plebesito para sa economic chacha sa 2025 midterm elections.
Sa kabila nito, nilinaw ni Angara na wala pa ring 100 porsiyentong katiyakan na maipapasa ng Senado ang economic chacha sa Oktubre.
Binigyang diin ng mambabatas, na dedepende pa rin kasi sa magiging talakayan at debate kung sasang-ayon ang mga kapwa niya senador sa isinusulong na mga amyenda sa economic provisions ng konstitusyon. | ulat ni Nimfa Asuncion