Aminado si Senate Committee on Ethics Chairperson Senadora Nancy Binay na nakakabahala ang nag viral na litrato ng showbiz personality na si Mariel Rodriguez, kung saan nakita itong tumatanggap ng intravenous glutathione (IV drip) procedure sa Senate office ni Senador Robin Padilla.
Ayon kay Binay, bagamat hindi niya sigurado kung saklaw ng hurisdiksyon nila ang insidente bilang hindi naman miyembro ng senado ang showbiz personality, ay kailangan pa ring silipin ang nangyari.
Ito lalo na aniya’t ang insidenteng ito ay may kinalaman sa isyu ng conduct, integrity at reputasyon ng senado maging ng usapin ng health at safety.
Pinahayag ng senadora na nakakabahalang ginawa ang IV drip procedure sa loob ng senate premises nang walang abiso mula sa kanilang clinic.
Pinunto rin ni Binay na una nang dineklara ng DOH na hindi ligtas ang gluta drip, banned rin ito ng FDA at ginawa sa labas ng clinic ng walang tamang medical advice mula sa isang lisensyadong health professional.
Sa huli, nagpaalala si Binay na bilang mga public figure ay sana alam nilang may responsibilidad sila sa publiko.
Humingi naman ng paumanhin si Senador Robin Padilla kung may nakita mang masama sa larawan ng kanyang asawa na nag-viral.
Giit ni Padilla, wala namang intensyon na mambastos at mahilig lang talaga itong mag promote ng good looks at good health ang kanyang asawa.| ulat ni Nimfa Asuncion