Umapela si Senate President Juan Miguel Zubiri na magpasa na rin ng panukala ang Kamara tungkol sa legislated wage hike para sa lahat ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong Pilipinas.
Ginawa ng senate leader ang pahayag matapos maipasa ng Senado sa ikalawang pagbasa ang panukalang ₱100 legislated wage hike (Senate Bill 2534).
Nanawagan si Zubiri sa mga kapwa niya mambabatas na magsama-sama para tugunan ang hiling ng taumbayan tungkol sa pagpapataas ng kanilang sweldo.
Target ng Senado na maipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang legislated wage hike bill sa Lunes.
“…Naririnig ng Senado ang panawagan ng bayan para sa disenteng sahod”.
“Umaapela rin kami sa Kamara na aksyunan na nila ang ating wage increase bills. Sama-sama nating sagutin ang tunay na hinaing ng ating mga manggagawa at mga kababayan.”
Matatandaang mula sa orihinal na bersyon ng panukalang inihain ni Zubiri na ₱150 na dagdag-sahod, in-adjust ng Senate Committee on Labor ni Senador Jinggoy Estrada ang panukalang wage increase sa ₱100 bunga na rin ng hakbang ng iba’t ibang regional wage boards na taasan ng ₱30 to ₱89 ang daily minimum wage rates noong nakaraang taon. | ulat ni Nimfa Asuncion