Nangako si Senate President Juan Miguel Zubiri na aamyendahan nila ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) law o ang Republic Act 11534.
Sinabi ito ni Zubiri matapos aminin na ilan sa mga probisyon ng CREATE law ay nagdulot ng porblema sa pagkakaroon ng mas maraming investment ng bansa.
Ginawa ng Senate leader ang pahayag sa naging pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs tungkol sa panukalang pagtatatag ng Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport Authority (BACSEZFA).
Kabilang sa mga tinukoy ni Zubiri na pagkakamali sa CREATE law ay ang kapangyarihan na iginawad sa Fiscal Incentives Review Board (FIRB) na nagdulot lang aniya ng kalituhan.
Pinunto ng senador na ang FIRB ang rason kaya marami pa ring nakabinbin na aplikasyon para sa mga ecozones.
Sa ilalim ng CREATE Law, ang FIRB ang bumubuo ng mga polisiya at nag aapruba sa mga ibibigay na tax incentives o tax subsidies.
Sa ngayon ay pinag-aaraln na aniya ng Senate Committee on Ways and Means ang mga panukalang amyenda sa CREATE law. | ulat ni Nimfa Asuncion