Isang technical working group ang binuo ng House Committee on Information and Communications Technology upang plantsahin ang House Bill 9704.
Sa ilalim ng panukala, isasama sa eGov PH Super App ang senior citizen identification card application.
Ayon kay Senior Citizens Partylist Rep. Rodolfo Ordanes, pangunahing may akda ng panukala, mahalagang maisama ang senior citizens sa digital governance.
Aniya, ang pagtatatag ng aplikasyon para sa senior citizen ID na nakapaloob sa eGov PH Super App ay isang maginhawa at madaling paraan para sa mga matatanda na ma-access ang iba’t ibang serbisyo ng gobyerno, mga diskwento, gayundin ay ma-streamline ang proseso ng aplikasyon ng ID card.
Kamakailan nang ilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang eGov PH Super App na nagsisilbing single platform para sa multi-sectoral government transactions at services, gaya ng government documents, permits, identifications, at clearances. | ulat ni Kathleen Forbes