Walang nakikitang problema si Deputy Majority Leader Neptali Gonzales II sa pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa posibleng pagsasabay ng plebisito para sa economic charter change sa 2025 mid-term elections.
Sabi kasi ng Pangulo, isa ito sa inaaral nila ngayon dahil sa practicality o para makatipid.
Maliban dito, sinabi rin ng Pangulo na maaari kasing makagulo sa paghahanda ng poll-body sa mid-term elections ang plebesito.
Ayon kay Gonzales, totoo naman na walang magiging dagdag na gastos kung pagsasabayin ito.
Pero sa Kamara aniya, nananatili ang kanilang target na matapos ang pagtalakay sa economic chacha bago ang Holy Week Break.
Sa kaniya namang pagtaya ay dapat maaprubahan ng Kamara at Senado ang resolusyon, at maipadala sa COMELEC ng Nobyembre o Disyembre.
Batay kasi aniya sa Saligang Batas, oras na matanggap ng poll body ang panukalang amyenda ay kailangan itong magdaos ng plebisito na hindi mas maaga sa 60 araw at hindi lalagpas ng 90 araw.
Kung sakali naman aniyang maaga matapos ang pagtalakay ng dalawang kapulungan sa economic chacha ay maaari aniyang i-adjust na lang ang pagsusumite nito sa COMELEC upang sumakto sa mid-term elections. | ulat ni Kathleen Forbes