Naharang ng Bureau of Immigration ang isang Belgian na pinaghihinalaang isang terorista sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang 31 taong gulang na lalaking Belgian na hindi pinangalanan ay naharang sa terminal 3 dahil sa pagiging ‘undesirable alien’ matapos makita sa Interpol Derogatory System na may ‘hit’ ito.
Sa ginawang pagberipika ng BI, napag-alaman na ang naturang lalaki ay may kinalaman sa terrorism-related crime.
Ayon sa Immigration, hindi pinapasok ang nasabing foreign national base sa Sec. 29 ng Philippine Immigration Act na nagbabawal sa pagpasok ng kahit sinong dayuhan sa Pilipinas na naniniwala, nagtutulak, o nagtuturo ng karahasan para labanan ang awtoridad.
Kasabay nito ay pinuri naman ni Tansingco ang kaniyang mga tauhan sa matagumpay na pagharang sa napakalaking banta sana sa seguridad sa bansa. | ulat ni Lorenz Tanjoco