Ibinahagi ni South Cotabato Rep. Peter Miguel na nagsasagawa siya ng libreng check-up sa kaniyang opisina sa Batasang Pambansa.
Nabunyag ito sa isang pulong balitaan sa Kamara matapos maging viral ang litrato ng aktres na si Mariel Rodriguez na nagpapa-gluta drip sa opisina ng kaniyang asawa na si Robinhood Padilla.
Ayon sa mambabatas na isa ring doktor, matagal na niyang adbokasiya ang libreng clinic at check-up kahit noong siya ay nagsilbing mayor at vice mayor ng Koronadal City.
Nilinaw naman nito na kahit may libreng clinic siya sa kaniyang opisina ay hindi ito nagbibigay ng gluta drip doon at sa halip ay nakatuon lamang aniya siya sa kaniyang specialization.
Si Miguel ay isang ears, nose, throat, head and neck surgeon.
“Totoo pong meron akong clinic sa taas, (sa) South Wing. Libre pong magpatingin dahil po ‘yan po ang adbokasiya natin, yung healthcare. And I’m happy that I’m given the chance to work as local chief executive (before). Ngayon po nasa Kongreso na. Wala pang nagtatanong pero ako hindi ako magdi-drip dito. I’ll just stick with my specialty. Dun ako mas magaling, dalubhasa ika nga. At may doctor din tayo sa House kung may ibang concern po ang patitingnan natin.” Sabi ni Miguel. | ulat ni Kathleen Jean Forbes