Nilinaw ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi mamadaliin ng mataas na kapulungan ng Kongreso ang pagtalakay sa panukalang amyenda sa economic provision ng Saligang Batas.
Ito ang binigyang diin ni Zubiri sa pagsisimula ng hearing ng Senate Subcommittee on Constitutional Amendments sa Resolution of Both Houses No. 6 (RBH 6).
Ayon kay Zubiri, hindi sila susunod sa deadline ng sinuman.
Binigyang diin ng Senate Leader na mahalagang paksa ang kanilang tinatalakay kaya kailangan ng panahon para pag-aralan itong mabuti at hindi dapat madaliin.
Kailangan aniya ng malawak ng talakayan at madinig ang lahat ng sektor na maaapektuhan ng pinapanukalang amyenda.
Titiyakin aniya nilang tatalakayin nila ng husto ang panukalang Economic Cha-cha nang makabuo ng pinakamagandang bersyon para sa taumbayan.
Pinahayag rin ni Zubiri ang kanyang buong tiwala at suporta kay Senador Sonny Angara, na siyang namumuno sa pagtalakay ng RBH 6, para magdesisyon sa timeline ng pagdinig sa resolusyon.| ulat ni Nimfa Asuncion