Inendorso ni Speaker Martin Romualdez ang agarang pagpapalabas ng tulong para sa mga binahang residente sa Davao region.
Nagkakahalaga ng P150 million na tulong pinansyal mula sa administrasyong Marcos ang ipapaabot sa mga bikitima ng pagbaha sa Davao.
Ang naturang tulong pinansyal ay idadaan sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pamamagitan ng district representatives at mga lokal na opisyal.
Nahahati ito sa: Davao de Oro Reps. Maricar Zamora, P20 million, at Ruwel Gonzaga, P20 million; Davao Oriental Reps. Cheeno Almario, P20 million, at Nelson Dayanghirang, P20 million; Davao del Norte Rep. Aldu Dujali, P20 million; PBA Partylist Rep. Migz Nograles, P20 million; Davao del Norte Vice Gov. Oyo Uy, P20 million; at Davao de Oro Vice Governor Tyron Uy, P10 million.
Patuloy din ang pagpapaabot ng tanggapan ng House Speaker at Tingog Party-list Rep. Yedda Romualdez at Jude Acidre ng 21,000 food packs mula sa kani-kanilang personal na calamity funds.
Hiniling na rin ng Office of the Speaker at Tingog sa DSWD ang pagpapadala ng 30,000 food packs.
Ang mga distrito nina Rep. Zamora, Rep. Dujali, Rep. Almario; Rep. Dayanghirang, at Davao del Norte Vice Gov. Uyay makakatanggap ng tig 3,000 food packs; habang tig-2,000 naman kina Rep. Gonzaga, Davao de Oro Vice Governor Uy, at Pantukan Mayor Jhong Ceniza.
Ayon kay Romualdez, patuloy na makakaasa ang mga kababayan natin sa Davao Region na nakatutok ang pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanilang sitwasyon.
Hindi rin aniya sila magpapaapekto sa isyung politikal at uunahin ang serbisyo publiko.
“This is to reassure and let our kababayans in Davao Region know that the government of President Ferdinand R. Marcos Jr. is here and it is doing its best to alleviate their condition. Aid will continue to flow in your areas as you all recover from the adverse effects of the floods…We cannot be sidetracked by political issues that distract us from our primary objectives. We need to ensure that work will continue and public service will reach the people, especially during these difficult times,” ani Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes