Welcome para kay House Speaker Martin Romualdez ang pagtalima ng Food and Drug Administration (FDA) sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang pagpapatupad sa RA 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Kamakailan ay nagpalabas ng pahayag ng FDA na nagpapaalala sa mga establishimento na sundin ang Administrative Order No. 2012- 0007 Part VI Section 3.1.
Dito nakasaad na ang 20% discount at VAT exemption ay maaaring gamitin sa generic at branded na mga gamot, kasama ang Influenza at Pneumococcal vaccines.
Sakop rin ng diskwentong ito ang vitamins at minerals supplements na nireseta ng doktor upang maiwasan at pagalingin ang mga sakit ng mga pasyente.
Ikinalugod naman ito ng House leader na unang nanawagang isama ang mga bitamina sa mga sakop ng diskwento.
“Many of our seniors and PWDs need to regularly purchase supplements or vitamins to maintain their health and strengthen their resistance to diseases, so it’s only fitting to include these in the discounted items as well,” sabi ni Speaker Romualdez.
Matatandaan na ipinag-utos ni Speaker Romualdez ang pagsasagawa ng pagsisiyasat kung nakakasunod ba ang mga establishimento sa pagbibigay ng diskwento sa mga senior citizen, persons with disability, at iba pang vulnerable sector.
Kasalukuyan namang binubuo ng House Joint Committee on Special Privileges ang mas komprehensibong batas para sa pagbibigay ng diskwento at pribilehiyo sa ilang piling sektor sa lipunan gaya ng mga nakatatanda at may kapansanan.
Bilang suporta sa atas na ito ng Pangulo, sinabi ni Speaker Romualdez na magbabantay ang Kapulungan para masiguro na natatanggap ng naturang mga sektor ang kanilang nararapat na benepisyo at pribilehiyo.
“We have granted these privileges to our people, and we will see to it that those covered receive them. Entities that are not granting the discounts and other benefits will be exposed and compelled to comply with the laws.” giit ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes