Natanggap na ng opisina ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy ang subpoena na nag-aatas sa kanyang dumalo sa pagdinig ng Senado tungkol sa mga alegasyon ng pang-aabuso niya umano sa KOJC members.
Ang impormasyong ito ay base sa dokumentong pinadala ng Senate Office of the Sergeant-at-arms sa tanggapan ng Senate Committee on Women ni Senator Risa Hontiveros.
Base sa dokumento, tinanggap ng isang Atty. Marie Dinah Tolentino Fuentes ang subpoena laban kay Quiboloy na may lagda at petsang February 22, 2024.
Si fuentes ay nagpakilalang abugado para sa KOJC.
Nakakadalawang pagdinig na ang komite ni Hontiveros tungkol sa mga alegasyon ng pang-aabuso laban kay Quiboloy pero sa parehong pagkakataon ay no-show ito.
Una nang pinabatid ni Hontiveros na kapag hindi pa rin dumalo si Quiboloy sa magiging susunod na pagdinig ng kanyang komite sa March 5, ay ipapa-cite in contempt na nila si Quiboloy at ipapaaresto. | ulat ni Nimfa Asuncion