Kinumpirma ni Senate Committee on Women Chairperson Senator Risa Hontiveros na inilabas na ng Senado ang subpoena laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Hontiveros, pinirmahan na ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang subpoena para atasan si Quiboloy na dumalo sa pagdinig ng Senado ngayong araw.
Sa pagdinig ng senate committee ngayong araw, nagbigay ng pahayag ang Ukranian national na si alyas “Iona”…
Sa pamamagitan ng isang video message, ibinahagi nito na naging biktima rin siya ng sexual abuse ni Quiboloy bago siya mag 18 years old.
Isa ring lalakeng si alyas “Rene” ang nagbigay ng testimonya at ikinuwento ang mga pang-aabuso umano sa kanya ng KOJC.
Gaya nang nais aniyang pang aabuso sa kanya ng isang lalakeng tauhan ni Quiboloy na nagsabing may basbas nito ang gagawin niya.
Nakita rin aniya niya ang mga baril na dinadala sa tinatawag nilang Glory Mountain sa Davao City sakay ng helicopter.
Inuutusan rin aniya itong mamalimos sa gabi at paparusahan kapag hindi naabot ang quota.
Sa ngayon, ilan pang mga testigo na dating miyembro ng KOJC ang humaharap sa senate hearing at nagbibigay ng testimonya laban kay Quiboloy. | ulat ni Nimfa Asuncion