Positibo ang ilang mambabatas na magtutuloy-tuloy ang mainit na pagtanggap ng taumbayan sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.
Kasunod ito ng matagumpay na pagdaraos ng pinakamalaking BPSF sa Sultan Kudarat na dinaluhan ng 55 ahensya ng pamahalaan kung saan nasa 150,000 ang mga nakabenepisyo.
Ayon kay Taguig-Pateros Rep. Pammy Zamora, ipinapakita nito na kapag nagtulungan ang ehekutibo at lehislatura ay mas maraming Pilipino ang mapapaabutan ng tulong.
Sa panig naman ni Isabela Rep. Ino Dy, sa paglapit ng mga serbisyo ng pamahalaan sa taumbayan ay malinaw na mensahe na walang maiiwan sa Marcos Jr. adminsitration.
Binigyang diin naman ni Deputy Speaker Jayjay Suarez na paraan ang BPSF upang maipakita na nagagamit ng tama ang pondo ng pamahalaan dahil direktang ibinababa sa mga tao ang serbisyo, programa at tulong mula sa gobyerno.
Nasa P1.2 bilyon na halaga ng kabuuang tulong, programa at proyekto ang dala ng BPSF sa Sultan Kudarat.
Inaasahan na ang susunod na bibisitahin nito ay ang Agusan del Norte. | ulat ni Kathleen Jean Forbes