Itinuturing ni Senador Sonny Angara ang pagsasabatas ng Tatak Pinoy Act na isang malaking hakbang tungo sa layuning maging industrialized country ng Pilipinas.
Ngayong araw, pinirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Tatak Pinoy Act (Republic Act 11981).
Ipinaliwanag ni Angara na layon ng Tatak Pinoy na mapatatag ang ekonomiya ng bansa, sa pamamagitan ng mas malakas na koordinasyon ng gobyerno at ng pribadong sektor.
Sinabi ng senador, na sa tulong ng batas na ito ay malalaman kung paanong matutulungan at masuportahan ng pamahalaan ang mga kailangan ng mga negosyante, para mapalakas ang kanilang operasyon.
Target nito na kalaunan ay maging competitive ang mga lokal na negosyo, hindi lang domestically kung hindi maging globally.
Giit ng mambabatas, kapag napataas ang kita ng mga Pilipino dito sa sarili nating bansa ay uunlad rin ang ating ekonomiya at mas gaganda ang buhay ng mga Pilipino.
Sa huli, nagpasalamat si Angara kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagsuporta sa Tatak Pinoy Act na makakatulong aniya sa pagtupad ng mga target sa Philippine Development Plan. | ulat ni Nimfa Asuncion