Inihain ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang House Bill 6908 na naglalayong isabatas ang Universal Educational Assistance Program.
Sa ilalim nito ay bibigyan ng tulong pinansyal ang lahat ng estudyante sa pampubliko at pribadong paaralan, mula pre-elementary hanggang kolehiyo.
Sakaling maisabatas ang mga pre-elementary students ay makatatanggap ng P1,000 na cash assistance; P2,000 naman para sa mga nasa elementarya; P3,000 ang junior high school habang P4,000 sa senior high school at P5,000 para sa mga nasa kolehiyo.
“Noong 1988, ating ipinasa ang batas para sa Free Public Secondary or High School Education. Makalipas ng halos tatlumpung taon noong 2016, isinabatas naman natin ang Universal Access to Quality Tertiary Education, o ang Free College Education Program Law. Patotohanan din natin ang pagbibigay ng pinakamataas na prayoridad ng budgetary allocation sa edukasyon na siyang utos ng ating Saligang Batas. Let’s institutionalize a universal educational assistance program.”, sabi ni Luistro.
Wala aniyang magiging requirement gaya ng economic condition ng estudyante o kaniyang pamilya para mapasama sa benepisyaryo.
Wala rin aniyang magiging limitasyon sa bilang ng aayudahan kada pamilya.
Gayunpaman dapat ay hindi bababa sa 80% ang class attendance ng mag-aaral.
Itinutulak din ni Luistro na idaan sa electronic cash transfer ang pamamahagi ng tulong pinansyal.
Magsasawa din aniya ng palagiang assessment sa halaga ng tulong para makasabay ito sa inflation.
“Ang cash assistance sa House Bill 6908 ay maliit na baon lamang, subalit malayo ang mararating nito upang ang ating mga estudyante ay makapasok araw-araw at tuluyang makatapos ng pag aaral.” , pagtatapos ni Luistro. | ulat ni Kathleen Forbes