Walang nakikitang epekto ang Department of Agriculture (DA) sa kabuuang suplay ng karne sa bansa, sa ipinatutupad na pansamantalang pag-ban ng pamahalaan sa importasyon ng live-cattle at by-products ng mga ito.
Alinsunod na rin ito sa rekomendasyon ng World Organisation for Animal Health (WOAH) laban sa lumpy skin disease (LSD) o ang viral disease na kumakalat sa mga hayop.
Hindi ito nakakahawa sa tao, ngunit maaaring makaapekto sa kalusugan at produksyon ng mga hayop.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DA Asec. Arnel de Mesa na bukod sa itinuturing na safe commodity ang karne, at hindi ito sakop sa ban, ang mga bansang Libya, Russia, Thailand, at South Korea, ay hindi naman accredited country ng Pilipinas na pagkuhaan ng baka at kalabaw ng bansa, kaya’t walang nakikitang epekto ang import ban na ito.
“Itong mga produkto na ito ay karamihan, lalo na iyong sa karne, kalabaw at baka ay India. Mayroon din sa South America, ganoon din sa Amerika at sa Europa.” —De Mesa.
Precautionary measure rin aniya lamang aniya ang temporary ban na ito, lalo’t wala pa namang kaso ng lumpy skin disease ang nakakapasok sa Pilipinas.
“Wala namang epekto sa kabuuang supply, kasi hindi sakop ng ban iyong mga karne, dahil ang karne ay considered as safe commodity. Para naman sa live cattle, iyong mga bansang Libya, Thailand, Russia and South Korea, hindi naman ito mga accredited countries at hindi makaka-apekto sa overall supply natin. Iyong ban is a precautionary measure, dahil wala pa tayong cases ng lumpy skin disease dito sa Pilipinas.” —De Mesa.| ulat ni Racquel Bayan