Inilunsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang TESDA Lingap Serbisyo Caravan sa Lalawigan ng La Union kahapon, Pebrero 6.
Itinampok sa caravan ang iba’t ibang booth na nag-aalok ng locally-made products at skills demonstration tulad ng pagmamasahe, cardio-pulmonary resuscitation (CPR), woodcarving, silk weaving, hydroponics at aquaponics, plant grafting at iba pa.
Bahagi rin sa aktibidad ang pamimigay ng mga starter kit sa 125 na mga TESDA graduate at pagkakaloob ng training support funds sa higit 200 estudyante na kasalukuyang sumasailalim sa pagsasanay.
Nakibahagi sa aktibidad ang higit sa 800 na mga estudyante mula sa iba’t-ibang Technical Vocational Institutions (TVIs) sa rehiyon.
Dumalo sa aktibidad si TESDA Director General, Secretary Suharto Mangudadatu bilang panauhing pandangal.
Sa kanyang mensahe, hinimok ng kalihim ang mga kabataan na pumili ng programa o qualification na naangkop sa kani-kanilang kaalaman at magsanay ng iba pang kaalaman upang maging multi-skilled nang sa ganun ay handa sa anumang trabahong papasukin. Hinikayat din niya ang mga TVI na magbukas ng iba pang mga kurso naangkop sa mga trabahong maaaring ialok ng mga banyagang mamumuhunan sa bansa. | ulat ni Albert Caoile | RP1 Agoo