Hihingi na ng tulong ang Department of Agriculture (DA) sa mga dalubhasa ng Sun & Earth Microbiology LLC, isang kumpanyang biotechnology na nakabase sa Florida, USA.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., makakatulong umano ito sa pagpuksa sa infestation ng cecid fly na sumisira sa produksyon at pag-export ng mangga ng Pilipinas.
Bukas aniya ang DA sa ideya ng pagsubok sa mga produkto ng kumpanya.
Matatandaan na tumulong na rin ang kumpanya sa DA noon sa pagkontrol ng fusarium sa saging—isang fungus na nagiging sanhi ng pagkawala ng kulay, at pagkalanta na kalaunan ay pumapatay sa halaman.
Nagpakita rin ng interes ang kalihim sa iba pang produkto ng kumpanya na makakatugon sa problema sa mga surot ng bigas.
Ayon sa ulat, humigit-kumulang 100,000 ektarya ng taniman ng mangga sa Palawan ang naapektuhan ng cecid fly. | ulat ni Rey Ferrer