Mariing pinabulaan ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año ang pahayag ng Chinese Coast Guard na pinaalis umano nila ang mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.
Sa isang kalatas ng National Security Council (NSC), sinabi ng kalihim na walang patid ang presensya ng PCG at BFAR sa Bajo de Masinloc alinsunod sa “rotational deployment” ng kanilang mga barko, na ipinag-utos ng pambansang pamahalaan simula ngayong buwan.
Ayon sa kalihim, ang hakbang ay bahagi ng bisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para tiyakin ang “food Security” ng bansa tungo sa isang “Bagong Pilipinas”.
Iniulat ni Sec. Año na kamakailan lang ay matagumpay na nakumpleto ng BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) ng PCG ang 9 na araw na pagpapatrolya sa Bajo de Masinloc mula Pebrero 1 hanggang 9; at kasalukuyan namang nagpapatrolya ang BRP Datu Tamblot (MMOV-3005) ng BFAR simula noong Pebrero 14.
Binigyang diin ng kalihim na ang Pilipinas ang may hurisdiksyon sa Bajo de Masinloc at sa nakapalibot na karagatan, alinsunod sa international law, at mananatiling propesyonal ang PCG at BFAR sa pagtugon sa iligal at mapanganib na pagkilos ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia sa loob ng EEZ ng Pilipinas. | ulat ni Leo Sarne