Pinalakas ng Philippine Navy ang kanilang puwersang nagbabantay sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng pag-deploy ng upgraded na BRP Emilio Jacinto (PS35) sa Naval Forces West sa Palawan.
Ang PS35 na katatapos lang sumailalim sa extensive repair, maintenance, at upgrade, ang lead ship ng Jacinto-class patrol vessels ng Philippine Navy.
Pinangunahan ni Offshore Combat Force o OCF Commander, Commodore Edward Ike De Sagon ang send-off ceremony sa Captain Salvo Pier, Naval Base Heracleo Alano, Cavite, nitong Martes, Pebrero 13.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Commodore De Sagon na ang presensya ng PS35 sa West Philippine Sea ay magsisilbing paalala sa lahat ng magtatangkang hamunin ang soberanya ng bansa na handang tumindig ang mga Pilipino.
Binilinan naman ng OCF Commander ang crew ng PS35 na ipamalas ang kanilang dedikasyon sa pagtatanggol ng bansa at pagtataguyod ng maritime interests ng Pilipinas. | ulat ni Leo Sarne
📷: Philippine Fleet, PN