May bagong gimik ang ADC Kadiwa Store para sa mga praktikal magmahal ngayong nalalapit na Araw ng mga Puso.
Ilang agri-inspired Valentine’s Gift ideas kasi ang iniaalok dito kabilang ang veggie bouquet at food basket.
Kada araw, iba iba ang gulay na tampok sa veggie bouquet at depende rin ang presyo sa laman nito.
May halagang P80-P100 na may lamang sakto na pangsahog ng pinakbet gaya ng ampalaya, talong, sibuyas, sigarilyas, kamote, luya at kamatis.
Mayroon ding veggie bouquet na ang laman ay pang-ginisang upo, at nagkakahalaga ng P80-P100
Ang mga gulay na ito ay mula sa ani ng mga magsasaka sa Region 1 o ang Alcala Livestock and Cassave Growers Association.
Bukod sa veggie bouquet, mayroon ding available na food basket, na may lamang itlog at bulaklak sa halagang P350, mayroong ding fruit basket na naglalaro sa P400-P700 ang presyo.
Nagsimulang ialok sa ADC Kadiwa ang veggie bouquet at food basket noong Feb. 1 at tatagal hanggang sa miyerkules o sa araw ng mga puso, Feb. 14, 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa