Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang kumakalat na mensahe sa social media tungkol sa umano’y chop-chop syndicate na nambibiktima ng mga motorista sa iba’t ibang lugar kabilang ang Green Meadows, Valle Verde, Binondo, at C5 malapit sa Bonifacio Global City o BGC.
Sa isang kalatas, sinabi ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na matapos imbestigahan ng PNP ang naturang ulat, napatunayan itong isang “hoax.”
Ayon sa PNP chief, ang naturang mensahe ay kumalat na mula pa noong 2017, pero walang iniulat na insidente sa PNP na tumutugma sa impormasyon sa mensahe.
Sinabi ni Gen. Acorda na bagama’t mahalaga ang “public awareness” para mapigilan ang krimen, mas mabuti kung beberipikahin muna ang impormasyon bago i-share sa publiko.
Babala ng PNP chief, ang pagpapakalat ng maling impormasyon ay maaring magdulot ng takot at pangamba sa mga mamamayan.
Paalala naman ng PNP chief sa publiko na umasa lang sa mga mapagkakatiwalaang source ng impormasyon. | ulat ni Leo Sarne