Muling magpapatuloy ang voter registration sa Lunes, Pebrero 12 kaya ngayon pa lang nagbabala na ang Commission on Elections sa mga may planong mag-double o multiple registration.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, mahaharap sa kaso ang gagawa ng naturang plano kung saan ang kaparusahan ay isa hanggang tatlong taong pagkakakulong.
Giit pa ng opisyal na hindi rin maaring idepensa ng makakasuhan na hindi nila sinasadya na mag-double o multiple registration.
Nitong nakaraang taon, nasa higit 400,000 double at multiple registrants ang nadiskubre ng Comelec mula sa National List of Registered Voters kung saan nagsimula na ang law department at barangay affairs department mag-file ng kaso laban sa mga naturang pasaway na botante.
Kaya payo ni Garcia, kung matagal nang hindi nakaboto, makipag-ugnayan muna sa local Comelec office para malaman ang estado ng registration at kung ano ang dapat gawin.
Hinikayat rin ng Comelec ang publiko na samantalahin ang voter registration at huwag hintayin kung kailan malapit na ang deadline dahil wala aniya silang plano magkaroon ng extension.
Ang voter registration ay magsisimula sa Lunes, Pebrero 12 hanggang sa September 30, 2024. | ulat ni Lorenz Tanjoco