Tiwala si Vice President at Education Secretary Sara Duterte na malaki ang mai-aambag sa paghubog sa mga Pilipinong mag-aaral, ang mga ikinasa nang programa ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya sa Agham at Matematika.
Ito ang inihayag ng Pangalawang Pangulo sa kaniyang talumpati sa Tropical Medicine and Public Health Network (TROPMED) ng Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO) sa Kuala Lumpur sa Malaysia.
Sinabi ng Pangalawang Pangulo na nais matuto ng Pilipinas sa matagumpay na istratehiya ng Malaysia at tumuklas pa ng mga bagong inisyatiba mula sa Malaysian Ministry of Education at SEAMEO Centers.
Kabilang na rito aniya ang SEAMEO Regional Centre for Education in Science and Mathematics (RECSAM) kung saan, hinahasa ang mga mag-aaral sa isang Space Education Hub para sa creativity at hands-on learning.
Batay sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), malaki ang pagkukulang ng mga Pilipinong mag-aaral sa mga asignaturang matematika, agham, at pagbabasa. | ulat ni Jaymark Dagala