Kumpiyansa ang World Bank sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas at inaasahan na mananatili itong malakas sa medium term.
Sa naging pulong ni Finance Secretary Ralph Recto, sinabi ng World Bank na dahil ito sa patuloy na mga reporma, mataas na demand para sa mga produkto at serbisyo sa lahat ng sektor, sapat na pagkakataon sa pamumuhunan, at ang patuloy na paglulunsad ng mga proyektong pang-imprastraktura.
Tinalakay din ni Recto sa mga opisyales ng naturang multilateral organization ang mga paraan upang mapagtibay ang partnership nito sa Pilipinas.
Pinasalamatan din ni Recto ang bangko sa kanilang patuloy na pagsuporta sa bansa partikular ang Philippines Customs Modernization Program ng Bureau of Customs (BOC).
Ipinanukala din nito na i-integrate sa programa ang sistema para sa unified inter-agency coordination ng ‘national and local agencies to enhance tax and customs administration efficiency’.
Nag-commit naman ang World Bank na tutulong sa DoF sa digitalization program at iba pang paraan upang mapaghusay ang tax collection nang makamit ang target na fiscal consolidation plan.
Kasama sa pulong sina World Bank Country Director Ndiamé Diop, Operations Manager Dandan Chen, Lead Economist Gonzalo Varela, Senior Economist Ralph Van Doorn, Operations Officer Rommel Herrera, Senior Country Officer Clarissa David, at Economist Kevin Cruz. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes