Itinaas ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang “Z-benefit” package nito para sa mga pasyenteng may breast cancer mula sa ₱100,000 paakyat sa halagang aabot sa ₱1.4 milyon.
Ayon sa PhilHealth, layunin ng pag-angat na ito na matugunan ang pinansiyal na pasanin ng mga pasyente sa kanilang paggagamot laban sa sakit na breast cancer.
Ang Z-benefit ay sumasaklaw sa mga malubhang karamdaman na nagbibigay ng suporta para sa ospitalisasyon, gamot, pagsusuri, at professional fee ng mga pasyente.
Ayon kay PhilHealth President Emmanuel Ledesma Jr., ang pagtaas ng benepisyong ito ay bahagi ng 30 porsyentong pagtaas sa lahat ng benepisyo mula sa PhilHealth kasunod ng paglagda nito ng PhilHealth Circular No. 2024-001 noong Enero 29.
Pero may mga ilang sakit na hindi covered ng 30% inflation adjustment dahil mas pinataas pa ang halaga ng benepisyo para rito tulad ng ischemic stroke, hemorrhagic stroke, at coverage para sa high-risk pneumonia.
Dagdag dito, pinalawak din ng PhilHealth ang bilang ng hemodialysis sessions para sa mga pasyenteng may Stage 5 chronic kidney disease, mula 90 sessions ngayon ay nasa 156 sessions na kada taon. | ulat ni EJ Lazaro