Tuloy na tuloy na ang modernisasyon ng Iloilo Commercial Port Complex (ICPC) sa Iloilo City matapos na makuha ng International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) ang official bid para sa nasabing proyekto.
Aabot sa mahigit P10.5 bilyon ang kabuuang halaga ng proyekto para sa nasabing development ayon sa Philippine Ports Authority (PPA).
Sa sulat na ipinadala ni Atty. Jay Daniel Santiago, general manager ng PPA kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, kinumpirma niya na nakapasa na ang ICTSI sa technical at financial requirements ng bidding process at tuloy na ang pagpapatupad ng proyekto.
Pormal na ring iginawad ng PPA sa ICTSI ang 25 taon na concession contract para sa pag-develop at pag-operate ng ICPC.
Uumpisahan ng ICTSI ang operasyon ng nasabing pasilidad matapos mapirmahan ang kontrata at ma-issue ng PPA ang Notice to Proceed.
Sa ilalim ng pamamahala ng ICTSI, tatawagan ang ICPC na Visayas Container Terminal (VCT).
Ikinatuwa naman ni Treñas ang modernisasyon ng port complex sa lungsod na inaasahang magbibigay daan sa pagdating ng mga international container ship sa lungsod at magpapalago ng ekonomiya ng Iloilo City.
Suportado rin ng grupo ng mga negosyante ng lloilo Economic Development Foundation Incorporated (ILEDF) ang pagka-award sa ICTSI ng kontrata para sa Iloilo Commercial Port Complex.
Ayon sa grupo, malaki ang epekto ng modernisasyon ng port complex sa pagpapalago pa ng imprastraktura sa lungsod at sa mga kaiping na lugar sa Western Visayas. | ulat ni Emme Santiagudo | RP Iloilo
📸: ICTSI