Ikinalugod ni Speaker Martin Romualdez ang pagkakalagda sa makasaysayang P170.6 billion Public-Private Partnership (PPP) concession agreement para sa rehabilitasyon at operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Isa si Romualdez sa mga sumaksi, kasama si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pirmahan sa pagitan nina San Miguel Corporation President and CEO Ramon Ang, Transportation Secretary Jaime Bautista, at Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Jose Ines sa kasunduan.
Kinilala ng House Speaker ang pagtutulungan ng administrasyong Marcos Jr. at pribadong sektor sa proyektong magpapabuti sa pasilidad at serbisyo ng paliparan na patunay aniya sa pagsusulong ni PBBM ng pangmatagalang pag-unlad at inobasyon sa sektor ng transportasyon.
“This momentous occasion signals a new era of progress and efficiency for NAIA,” sabi ni Romualdez
Inaasahan ani Speaker Romualdez na sa pamamagitan ng kasunduan ay matutugunan ang mga hamong kinakaharap ng NAIA sa pagbibigay serbisyo sa domestic at international travelers upang maging isang world-class airport.
“The revitalization of NAIA also promises broader economic benefits for our country and our people, including job creation, increased tourism, and greater connectivity with global markets,” giit ni Romualdez.
Nangako rin ang House leader na susuporta ang Kongreso para masiguro ang matagumpay na implementasyon ng proyekto.
Inaasahan na kikita ang national government ng hanggang P900 billion sa loob ng labinlimang taon ng PPP concession period na maaaring palawigin pa ng dagdag na sampung taon. | ulat ni Kathleen Jean Forbes