Nasa ligtas nang kalagayan ang nasa 10 Pilipinong crew members na lulan ng barkong tinamaan ng missile attack ng houti rebels sa Gulf of Aden.
Ito ang malugod na ibinalita ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer-In-Charge Undersecretary Hans Leo Cacdac matapos niya mismong maka-usap ang 10 na kasalukuyan nang nanunuluyan sa isang hotel.
Una rito, nakatanggap ng kumpirmasyon ang DMW mula sa manning agency na dinala sa naturang hotel ang 10 Pilipino na nasa bahagi ng Djibouti sa Horn of Africa.
Samantala, nilinaw naman ng DMW na nasa tatlong Pilipino ang nasugatan sa missile attack at kasalukuyang nagpapagaling na sa ospital sa Djibouti City.
Personal na ring nagtungo ang mga Senior Official ng DMW sa pamilya ng dalawang Pilipinong Seafarer na nasawi naman sa pag-atake kung saan, ipinaabot nila ang taos-pusong pakikiramay.
Tiniyak din ng DMW na ibibigay ng pamahalaan ang kinakailangang tulong alinsunod na rin sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. | ulat ni Jaymark Dagala