Nasa 123 munisipalidad pa sa bansa ang nangangailangan ng kagamitan mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), o iyong wala pang firetruck at wala pang fire station.
Pahayag ito ni BFP Spokesperson Col. Annalee Atienza, kasabay ng obserbasyon ng Fire Prevention Month ngayon Marso.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na mayroon na silang nakalatag na 10-year program, na magsisimula ngayong 2024.
Tututukan na aniya ng pamahalaan na mapunan ang mga kakulangang ito, at madagdagan ng makabagong kagamitan ang hanay ng BFP.
“Para po sa implementation ng Fire Code or iyong ating collection ng Fire Code fee. So, with this RA 11589 (BFP Modernization) – 10-year program po ito na nakalatag, mag-uumpisa ngayong taon.”, ani Col. Atienza.
Kabilang na dito ang mga kinakailangang choppers at helicopters sa pagresponde sa sunog.
“Gaya po ng nasabi natin, may kakulangan tayong 123 firetrucks – meaning to say dahil ang BFP ay equipment-based – so, pagdagdag ng firetruck or kagamitan ay pagdagdag din po ng tao kaya at the time na magpu-procure po tayo ng mga firetrucks kaakibat na po, domino effect po, iyong pag-recruit po natin ng additional firefighter.”, dagdag pa ni Col Atienza. | ulat ni Racquel Bayan