Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na nakatakdang dumating bukas ang 11 Pilipinong crew ng barkong True Confidence na tinamaan ng missile attack ng Houthi habang dumadaan sa Gulf of Aden.
Ayon kay Migrant Workers Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, pinaghahandaan na nila ang pagdating ng 11 Pilipino.
Sa bilang na ito, 10 ang hindi nasugatan at isa ang nagtamo ng minor injury habang isinasagawa ang emergency evacuation sa barko pero ito ay nabigyan na ng “fit to travel” ng mga medical authority, at pinayagan nang makauwi.
Habang dalawa Pilipinong crew ng True Confidence ang naiwan pa, at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital. Sila ay papauwiin din sa bansa kapag nabigyan ng “fit to travel” certificate.
Samantala, patuloy ang recovery operations para sa pagkuha ng mga labi ng tatlong biktima na nasawi sa missile attack ng Houthi at dalawa rito ay mga Pilipino.
Ani Cacdac, umaasa silang maging matagumpay ang salvaging operation sa barko at maiuwi na sa bansa ang labi ng dalawang PIlipino. | ulat ni Diane Lear