Handa na ang iba’t ibang simbahan sa silangang bahagi ng Metro Manila para sa papalapit na Semana Santa sa susunod na linggo.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, kapansin-pansing may mga nakapaskil na talaan ng palatuntunan ang iba’t ibang simbahan gaya ng Lenten Recollection, Kumpisalang Bayan at Pabasa ng Pasyon.
Pero sa Immaculate Conception Cathedral sa Pasig at International Shrine of Our Lady of Good Voyage sa Antipolo City o Antipolo Cathedral, isasagawa ang Chrism Mass sa Huwebes Santo .
Habang sa lahat ng mga simbahan ay may misa ng Huling Hapunan sa parehong araw na susundan ng Visita Iglesia, pagtatanghal sa banal na Krus sa Biyernes Santo, Easter Vigil sa Sabado de Gloria at ang tradisyunal na Salubong sa Linggo ng Pagkabuhay.
Ilan naman sa mga simbahan na maaaring puntahan para sa Visita Iglesia ay ang:
Our Lady of the Abandoned Parish sa Marikina City
Immaculate Conception Cathedral sa Pasig City
San Felipe Neri Parish sa Mandaluyong City
Sanctuario del Sto. Cristo sa Brgy. Kabayanan, San Juan City
San Juan del Monte Parish sa Pinaglabanan, San Juan City
International Shrine of Our Lady of Good Voyage sa Antipolo City
| ulat ni Jaymark Dagala