Inaresto ng mga awtoridad sa pangunguna ng Bureau of Immigration (BI) ang 13 Vietnamese na nagpapatakbo ng ilegal ng mga health spa at clinic sa Makati, Parañaque, at Pasay.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, kinakailangan ang agarang pag-address sa mga ganitong gawain lalo na ng mga hindi dokumentadong mga dayuhan.
Hinihikayat din nito ang mga local government unit, barangay, at mga kasapi ng komunidad na i-report sa mga kinauukulan ang mga ilegal alien na nananatili sa kanilang lugar para ito ay maaresto at maipa-deport.
Naghain na ng kaso ang BI laban sa 13 Vietnamese para sa paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940 para sa pagtatrabaho nang walang permit o karampatang visa.
Kasalukuyang nanatili naman ang mga naarestong dayuhan sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang resolution sa deportation cases laban sa kanila. | ulat ni EJ Lazaro