Pinatunayan ng $14.2 bilyon na foreign direct investment na naipatupad mula Hulyo 2022 na tama ang mga ipinatupad na hakbang ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang tuluyang makabangon ang Pilipinas mula sa epekto ng pandaigdigang pandemya.
Ito ang inihayag ni House Speaker Martin Romualdez kaugnay sa datos ng Board of Investments (BoI) ng Department of Trade and Industry (DTI).
Aniya, nagbunga na ang pagsisikap ni PBBM na makahikayat ng mga mamumuhunan bilang patotoo sa hangarin ng pamahalaan na mapagbuti ang buhay ng mga Pilipino.
“The President’s efforts to attract FDIs are yielding results. We are making steady progress, and the House of Representatives fully supports his initiatives. Executing $14.2 billion in FDIs from the projected total of $72.2 billion is significant, and there are many more projects in the pipeline,” ani Romualdez.
Sabi pa ng House leader na ang mga proyektong naikasa mula sa mga pagbisita ni Pangulong Marcos sa ibang bansa katumbas ng 20 porsyento ng kabuuang pledges na nakuha ng administrasyon.
Ilan sa mga proyektong ito ay natapos nang magparehistro sa Investment Promotion Agencies ng DTI at ang iba ay ipinatutupad na.
Ang mga FDI na ito ay nasa iba’t ibang industriya gaya ng manufacturing, IT-BPM (information technology-business process management), renewable energy, infrastructure, transport at logistics, agriculture, at retail.
Nasa 16 na proyekto ay sa manufacturing o katumbas ng 35%, na sinundan ng IT-BPM na may sampu (22 porsyento), at renewable energy na may siyam (20 porsyento).| ulat ni Kathleen Forbes