Pinangunahan ni Philippine Army Chief Lt. General Roy Galido ang dalawang araw na nationwide blood donation drive ng Philippine Army.
Ang aktibidad na isinasagawa ngayong araw hanggang bukas sa Philippine Army Headquarters sa Fort Bonifacio, Taguig, at sa lahat ng kampo ng Army sa buong bansa, ay bahagi ng Health and Wellness Fair ng Hukbong Katihan.
Ayon kay Philippine Army Public Affairs Office Chief Col. Louie Dema-ala, ang aktibidad na nilahukan ng army officers, enlisted personnel, reservists, ROTC cadets, at donors mula sa civilian agencies at iba pang unipormadong serbisyo ay inaasahang makakalikom ng 50,000 blood bag.
70 porsyento ng nalikom na dugo ay para sa pambansang blood supply, habang ang 30 porsyento ay para sa reserve ng Philippine Army.
Sa kanyang mensahe, pinaalalahan ni Lt. Gen. Galido ang mga tropa ng kahalagahan ng pagpapanatili ng malusog na pamumuhay, dahil ang malalakas na sundalo ay bumubuo ng isang malakas na hukbo. | ulat ni Leo Sarne
📷: SSg. Cesar P. Lopez Jr PA/OACPA