Kasalukuyang tinutugis ng militar ang mga miyembro ng Daulah Islamiyah na responsable sa pananambang at pagpatay sa apat na sundalo sa Maguindano Del Sur.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, tinatayang nasa 20 armadong terorista ang umatake sa apat na sundalo sa Datu Hoffer Ampatuan sa naturang lalawigan noong Linggo.
Ayon kay Padilla, posibleng paghihiganti ang pag-atake ng mga terorista, lalo na ngayong nakakaranas sila sa leadership vacuum at unti-unti na ring humihina ang kanilang puwersa.
Personal na nakidalamhati si AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. sa mga pamilya nila Private Marvin Dumaguing, Private Jessie James Corpuz, Private First Class Carl Araña, at Corporal Creszaldy Espartero sa burol sa 6th Infantry Division Headquarters sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao nitong Lunes.
Una nang ipinangako ni Gen. Brawner na tutugisin at pananagutin ng militar ang mga responsable sa pag-atake upang mawakasan na ang kanilang paghahasik ng karahasan sa rehiyon. | ulat ni Leo Sarne