Nasa 2,000 residente ng Oriental Mindoro ang nakabenepisyo sa Cash and Rice Distribution (CARD) program ng pamahalaan.
Kasabay ito ng paglulunsad ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa lalawigan.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez, patotoo ito sa walang kapagurang paghahanap ng solusyon ng Pangulong Ferdinand R . Marcos Jr. na mabigyan ng abot kayang halaga ng bigas ang mga pamilyang Pilipino at maipaabot din ito sa mga vulnerable sector ng lipunan.
“Isa ito sa mga panawagan ni Pangulong Bongbong Marcos, ang maghatid tayo ng kalinga sa ating mga kababayan na hirap sa pang-araw-araw na gastusin at pagkain. Kaya natin naisip ang programang ito para matulungan ang mga sektor na kailangan ng konting alalay,” sabi ni Speaker Romualdez.
Nasa 50,000 kilo ng bigas ang naipamahagi kwalipikadong benepisyaryo sa Oriental Mindoro.
Sa ilalim nito makatatanggap ang mga benepisyaryo ng ₱2,000 na halaga ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Sa halagang ito, ₱1,000 ay pambili ng 25-kilo ng bigas at ang ₱1,000 ay para sa iba pa nilang pangangailangan.
Maliban sa CARD, inilunsad din ang Integrated Scholarship and Incentives Program (ISIP).
Nasa 2,000 mag-aaral na pawang nasa tertiary at vocational levels ang nabigyan ng tulong pinansyal para sa kanilang tuition at iba pang gastusin.
Bukod dito, mayroon ding 3,000 na mga maliliit na negosyante at mga magsisimula pa lang na mag-negosyo ang natulungan sa ilalim naman ng Start-up Incentives, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL) katuwang ang DSWD. | ulat ni Kathleen Forbes