Pormal nang inilunsad ang kick-off ng 2024 tax campaign ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Revenue District Office (RDO) No. 101 – Iligan City noong Marso 5, sa Frosty Bites Garden Hall, Camague, Tubod, Iligan City.
Ang tema ng kampanya ngayong taon ay “Sa Tamang Buwis, Pag-asenso’y Mabilis” na naglalayong isulong ang responsableng pagbabayad ng buwis bilang isang katalista para sa pag-unlad ng ekonomiya.
Sa panayam ng RP1 Iligan kay BIR RDO 101 Revenue District Officer Malik D. Dimakuta, sinabi niyang isinusulong nitong kampanya ang pagbibigay ng kaalaman sa buwis, at ibatid sa mga taxpayer ang kanilang mga tungkulin upang mag-ambag sa pondo ng gobyerno.
Binigyang-diin naman ni Dimakuta ang apat (4) na haligi sa administrasyon ni BIR Commissioner Romeo D. Lumagui, Jr. ang mas pinaigting na enforcement, mahusay na taxpayer service, patibayin ang tiwala ng publiko sa buong BIR at propesyonalismo, at palawigin ang digital transformation.
Pinapaalalahanan din ni Dimakuta ang mga taxpayers ng RDO 101 at Lanao del Norte upang magbayad ng tamang buwis bago o sa April 15 para aniya makakatulog ang mga ito ng mahimbing.
Sa mensahe naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. noong nagdaang 2024 National Tax Campaign, pinaalalahanan niya ang mga taxpayer na ang pagbabayad ng buwis ay hindi lamang para sa gobyerno at ekonomiya, kundi bilang pamumuhunan sa kinabukasan ng bansa at sa mga susunod na henerasyon. | ulat ni Sharif Timhar | RP Iligan