Nilinaw ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig na wala pang pangangailangan para magdeklara ng outbreak ng Pertussis o whooping cough sa kanilang Lungsod.
Ito ayon sa Pasig LGU ay matapos makapagtala sila ng 25 na kaso ng nasabing sakit kung saan, pawang mga sanggol na may edad dalawang buwang gulang pababa ang tinamaan nito.
Batay sa datos ng Pasig City Health Unit, mula sa naturang bilang ay 17 ang kumpirmadong kaso kung saan, dalawa ang nasawi habang walo naman ang itinuturing na probable cases.
Gayunman, ipinabatid ng Pasig LGU na sapat ang suplay ng bakuna gayundin ng Post-Exposure Prophylaxis o PEP sa lahat ng kanilang health centers.
Nagsasagawa rin sila ng response immunization sa mga barangay na may naiulat na kaso gayundin ay mayroon na ring mapping upang mapaigting ang pagbabakuna. | ulat ni Diane Lear