Aprubado na ng House Joint Committees on Senior Citizens, Disability Affairs, at Ways and Means ang tatlong panukalang batas (House Bills No. 10061, 10062, at 10063) na magbibigay ng dagdag na benepisyo at diskwento para sa mga nakatatanda at may kapansanan.
Ayon kay Ways ang Means Committee Chair Joey Salceda, nakapaloob sa panukala ang paglilinaw na applicable pa rin ang diskwento ng mga senior citizen at persons with disabilities kahit naka-promo ang isang bagay o serbisyo; pagkakaroon ng diskwento sa parking, at 15% na utilities discount para sa lifeline consumption.
Mayroon ding 25% deduction sa labor expenses upang mahimok ang mga kompanya na mag-hire o kumuha ng mga PWD at senior bilang empleyado at libreng training programs.
Maliban dito, ibinida din ni Salceda na ang kanilang mga naging pagdinig ay nagresulta sa hiwalay pang discount para sa mga PWD at senior.
Halimbawa nito ang espesyal na 40% discount ng Starbucks, pinadaling pagproseso ng diskwento sa electric bill ng Meralco, at ang pagtataas ng monthly discount sa basic goods sa ₱500.
Dito pa lamang aniya ay aabot na sa hanggang ₱112.6-billion ang nadagdag na benepisyo para sa mga nakatatanda at PWD. | ulat ni Kathleen Jean Forbes