Tinuligsa ng National Security Council (NSC) ang huling insidente ng pangha-harass ng China sa lehitimong operasyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea, na nagresulta sa apat na casualty sa panig ng Pilipinas.
Apat na crew ng Unaizah May 4, isa sa dalawang resupply boat na patungo sa BRP Sierra Madre ang sugatan nang mabasag ang windshield nito sa pambobomba ng water cannon ng dalawang barko ng Chinese Coast Guard, kaninang umaga.
Ang apat na sugatang crewmen ay nilapatan ng lunas sa Philippine Coast Guard (PCG) vessel MRRV 4407, na nagtamo din ng pinsala matapos na unang banggain ng CCG vessel 21555.
Dahil sa pinsalang tinamo sa mapangabib na pagkilos ng CCG, bumalik na sa Palawan ang UM4 kasabay ang MRRV 4407.
Habang nakumpleto naman ng isa pang resupply boat, ang Unaizah May 1 ang kanyang Rotation and Resupply (RoRe) mission sa BRP Sierra Madre.
Ayon sa NSC, ang mga patuloy na ilegal at iresponsableng aksyon ng China ay nagpapakita na kaduda-duda ang kanilang sinseridad na ayusin sa mapayapang dialogo ang tensyon sa West Phil. Sea. | ulat ni Leo Sarne