Nasa 422 miyembro at supporter ng New People’s Army (NPA) ang na-nutralisa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa unang kwarter ng taon.
Iniulat ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na sa nasabing bilang, 374 ang sumuko, 15 ang naaresto at 33 ang nasawi sa mga serye ng engkwentro.
Aabot din sa 221 armas at 71 anti-personnel mines ng mga teroristang komunista ang nasamsam at naisuko at 56 kampo ng kalaban din ang nakubkob sa ikinasang military operations.
Kaugnay nito, tiniyak ni Col. Padilla ang patuloy na pagtugis sa mga natitirang rebelde sa bansa, alinsunod sa direktiba ni AFP Chief General Romeo Brawner Jr. sa lahat ng unit na wakasan na ang kilusang komunista bago matapos ang taon. | ulat ni Leo Sarne