Hinihikayat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na magparehistro para sa Philippine Identification System (Philsys).
Ayon kay DSWD Secretary Romel Lopez, layon nitong mapabilis ang proseso ng departamento at matanggap ng maayos ng beneficiaries ang social assistance.
Ang inisyatibo ay bunsod ng matatag na kolaborasyon sa pagitan ng 4Ps National Program Management Office at Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa tulong ng pagpaparehistro ng Philsys ID, mas mapapadali na ang pag-access ng mga benepisyaryo; mas bibilis ang pagtse-check ng mga transaction partikular sa digital payments, batay na rin sa Section 3 ng Republic Act no. 11055 o Philsys Act.
Batay sa datos ng DSWD, umaabot na sa 4 million mula sa kabuuang 24.4 million 4Ps individual members ang nakapagparehistro na sa Philsys, pero isang milyon pa lamang na 4Ps members ang may Philsys card number.
Sinabi ng DSWD Official, na magagamit ng mga Pilipino ang kanilang ID sa lahat ng government at private transactions na malaking tulong para mabawasan ang pangangailangan ng ibang identification documents. | ulat ni Rey Ferrer