Wala na sa karagatan ng Philippine Rise ang dalawang research vessel ng China na na-monitor na nagtungo sa lugar nitong weekend.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Trinidad, nasa 800 milya na mula sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa Pacific Ocean ang dalawang barko sa huling ulat, kaninang umaga.
Dire-diretso aniya ang naging takbo ng dalawang barko mula sa Guangzhou China patungo sa Timog-Silangan ng Karagatang Pasipiko, at napadaan sa EEZ ng Pilipinas.
Nilinaw naman ni Trinidad, na malayang dumaan sa EEZ ng Pilipinas ang dalawang barko alinsunod sa Freedom of Navigation at hindi na kailangang magpaalam sa Pilipinas.
Ayon pa kay Trinidad, walang na-monitor ang Phil. Navy na anumang paglabag na ginawa ang dalawang barko sa karagatan ng Pilipinas. | ulat ni Leo Sarne