Umaga pa lang ngayong Miyerkules Santo, dagsa na ang mga mananampalatayang Katoliko na nagtutungo sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o mas kilala bilang Antipolo Cathedral.
Ito’y bukod sa kanilang pamimintuho sa Birheng Maria ay naging bahagi na ng tradisyon tuwing Semana Santa ang pag-akyat sa Antipolo para mamamanata.
Ilan sa mga nagsisimba rito ay mula pa sa malalayong lugar gaya ng Pangasinan, Bulacan gayundin ng Cavite na dumayo pa sa Antipolo para makapagsimba.
Kadalasang Huwebes Santo ginagawa ang tradisyunal na Visita Iglesia na nagsimula pa noong ika-16 na siglo pero pinipili ng ilan na ngayon na ito gawin upang hindi na masabay pa sa mas maraming deboto.
Kamakailan lamang, itinanghal ang Antipolo Cathedral bilang kauna-unahang International Marian Shrine sa Southeast Asia at ika-11 naman sa buong mundo.
Kasabay nito, nagpalabas ng abiso ang Antipolo City LGU ng mga isasarang lansangan sa lungsod para sa tradisyunal na Alay-Lakad na bahagi na rin ng pagpepenitensya ng maraming Katoliko.
Batay naman sa pagtaya ng Rizal Provincial Police Office, inaasahang aabot sa 6 hanggang 7 milyon ang daragsa sa Antipolo Cathedral ngayong kabuuan ng Semana Santa.
Samantala, inaanyayahan naman ng Simbahang Katolika ang mga mananampalataya nito na magnilay, magdasal, gayundin ay alalahanin ang pagpapakasakit, pagkamatay, at pagkabuhay ng Panginoong Hesus.
Dahil naman sa dagsa ng mga magsisimba, punuan na ang parking papasok sa Antipolo Cathedral kaya’t makabubuting agahan ang pagpunta rito upang hindi maipit sa dagsa ng mga deboto. | ulat ni Jaymark Dagala