Pinuri ngayon ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera ang PhilHealth sa hakbang nitong itaas ng hanggang 1,400% ang benefit package para sa breast cancer patients.
Ayon sa lady solon, isa itong “giant leap” para sa pagbibigay prayoridad sa kalusugan ng mga kababaihan.
Mula sa dating ₱100,000, ang “Z-benefit” package para sa breast cancer patient ng PhilHealth ay itinaas na sa ₱1.4 million, maliban pa sa 30% na pagtaas sa iba pang PhilHealth benefits.
“This is not just a small step forward; it’s a giant leap in our efforts to provide comprehensive support to breast cancer patients. PhilHealth deserves applause for recognizing the pressing need to enhance the ‘Z-benefit’ package,” ani Herrera.
Ang mga hakbang aniyang ito ng state health insurer ay nagpapakita na desidido ang ahensyaNG pagbutihin ang healthcare access sa bansa.
Bilang isa ang cancer sa mga nangungunang sakit na nauuwi sa pagkamatay, malaking bagay aniya ito para mapalakas ang laban, lalo na ng mga kababaihan kontra breast cancer.
Maituturing din aniya itong investment para sa kalusugan ng mga Pilipino.
“By expanding the ‘Z-benefit’ package, PhilHealth has taken a crucial stride in ensuring that our fellow Filipinos faced with breast cancer are equipped with the necessary resources to fight this battle head-on,” dagdag ni Herrera. | ulat ni Kathleen Forbes