Malaki ang tyansang magkaroon ng mataas na heat index o alinsangan sa pitong lalawigan sa bansa ngayong Miyerkules Santo, March 27.
Batay sa heat index forecast ng PAGASA, posibleng pumalo hanggang sa 42°C ang heat index na maramdaman sa San Jose, Occidental Mindoro, Masbate City, Camarines Sur, Roxas City, at Mambusao sa Capiz, at Iloilo City.
Kahapon, umabot sa hanggang 44°C ang naitalang pinakamataas na heat index sa bansa sa Capiz.
Samantala, inaasahan ding papalo sa 40-41°C ang alinsangan sa higit 20 pang lalawigan sa bansa ngayong araw kasama ang Metro Manila.
Una nang hinikayat ng PAGASA ang publiko na limitahan muna ang physical outdoor activities sa pagitan ng alas-12 ng tanghali hanggang alas-4 ng hapon upang maiwasan ang malalang epekto ng tag-init. | ulat ni Merry Ann Bastasa